Batang Patpatin

Nakilala ko si Tikboy, isang batang patpatin noong maagang bahagi ng 1990s. Bagong lipat sila sa baryo. Ang alam ko, taga-karatig baryo lang din sila. Pangatlo si Tikboy sa kanilang apat na magkakapatid. Nag-iisa siyang anak na lalaki sa pamilya.

May pagka-isolated sa komunidad ang pamilya ni Tikboy. Wala silang masyadong kapit-bahay. Hindi rin sila masyadong nakikipag-halubilo sa tao. Naisip ko, baka dahil bago sila sa baryo, o kaya’y nanliliit dahil sa kanilang kalagayan sa pamumuhay o baka umiiwas dahil sa pag-aakalang kumalat na sa baryo ang tsismis na diumano’y lahi sila ng “aswang”.

Hindi katulad ng ibang mga taga-baryo na inilayo ang sarili kay Tikboy, kinaibigan namin siya. Madalas siyang nasa bahay, minsa’y sa bahay na rin kumakain. Naging kalaro namin sya at kasama sa mga pag-akyat sa puno, pagnahap ng kahoy na gagawing panggatong.

Katulad ng ibang bata, nangarap din si Tikboy na sana’y umangat ang buhay ng kaniyang pamilya. Gusto niyang mag-aral pero dahil sa kakapusan, madalas wala sya sa eskwela.

Hanggang sa isang araw, ginulat kami ng balitang namaalam na si Tikboy. Nalungkot ako at naiyak.

Mangilan-ngilan sa mga tao sa baryo ang nagpunta sa bahay nila Tikboy. Ayon sa tatay niya, ilang araw daw na nilagnat si Tikboy hanggang sa hindi na daw humihinga.

Akala’y lagnat lang. Hindi rin  daw nila madala sa doktor dahil walang pera.

Sa murang edad, lalo akong nahabag ako kay Tikboy. Hanggang sa kamataya’y kalunus-lunos pa din ang kanyang sitwasyon. Walang pambayad sa punenarya ang kanyang magulang. Kahit ataul ay di nila kayang bumili.

Sa tulong ng mga ilang nakiramay, gumawa sila ng ataul ni Tikboy mula sa pinagtagpi-tagping kahoy. Hindi rin bago ang kanyang damit samantalang ni walang bulaklak.

Sa aking pagka-alala , isang gabi lang ibinurol si Tikboy at kinaumagaha’y inilibing rin.

Matapos mamamatay si Tikboy, nanatiling hikahos pa rin ang kanyang pamilya. Ang kanyang isang kapatid na babae ay maagang nag-asawa. Samantalang ang kanilang panganay ay naging biktima ng rape.

Wala na rin akong balita sa bunso nilang kapatid. Minsay, iniisip ko na lang na sana’y nagtagumpay ito sa kanyang pangarap para na rin kay Tikboy.

Hanggang sa ngayon, sa tuwing nagbabaliktanaw  ako sa mga kwento ng buhay sa baryong aking pinagmulan, isa si Tikboy sa mga unang sumasagi sa aking isipan.

~ by hitabu on July 20, 2009.

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.