Pulot
Halos dalawampu’t walong taon ko na siyang kakilala at itinuturing na isa sa mga mahalagang tao sa aking buhay. Kung isasalarawan ang kanyang pisikal na kaanyuan, hindi siya katangkaran wala pa siyang five feet pero may kagwapuhan lalo na noong kanyang kabataan. Kung dati’y matikas ang kanyang katawan, ngayon nama’y malaki na ang kanyang tiyan. Masayahin siyang tao. Mahilig magbiro kahit minsa’y sobrang korni na.
Sabay-sabay na tumatawa ang kanyang mga anak kapag sasambitin niya ang salitang F4, 88 Corporate at catering. Madalas siyang tawagin ni Gagah bilang Pangz o kaya ay Piolot. Paborito niya ang sinigang, adobo, tinola, menudo at di masyadong type ang isda.
Simpleng tao lang si Pulot. Simple ang buhay kaya simple lang din ang pangarap.
Mga magsasaka ang kanyang mga magulang. Mulat sa kahirapan kaya naman nangarap siyang sana’y makapag-aral at makapagtapos ng enhenyero sa kolehiyo.
Bagamat naging top student noong nasa elementarya at nakapagtapos ng highschool sa isang private school sa kanilang bayan ay naging mailap kay Pulot ang kanyang mga pangarap dahil na rin sa kakapusan. Hindi niya natapos ang kursong enhenyero at bumalik na lamang sa pagsasaka.
Mahusay na public servant si Pulot. Wika nga, bayan muna bago sarili ang kanyang prinsipyo sa buhay sa panahong siya ay nanunungkulan ng mahalal itong kagawad ng baryo. Kung gaano katagal si Marcos sa poder ganun din siya katagal na naglingkod sa baryo (wala kasing election).
Nanguna sa campaign si Pulot para maging hiwalay na baryo ang kanilang sityo. Pinagtagumpayan nila ito.Naging bahagi din sya sa pag-pasa ng baranggay resolution at campaign na naglalayong magkaroon ng annex school ang malaking state college ng probinsya sa bayan nila. Nagwagi uli si Pulot kasama ang mga kababaryo niya.
Makulay din ang buhay pag-ibig ni Pulot. Naugnay siya sa dalawang babae. Ang una’y sinasabing ka-MU nya lamang at nakipag-break sa kanya ng araw na ideklara ni Marcos ang Martial Law noong 1972. Samantalang ang ikalawa at huli ay ang babaeng kanyang napangasawa at itinuring na true love ng kanyang buhay. Bagamat ayon mismo kay Pulot ay never nag-i love you sa kanya ang true love nito .. hindi naman daw mahalaga iyon.. dahil alam niyang true love din sya ng kanyang napangasawa.

Madeskarte naman si Pulot. Sinikap niyang itaguyod ang kanyang pamilya. Mula sa pagiging magsasaka ay naging manggagawa ito. Naging seaman siya. Bumalik sa pagsasaka at naging construction worker.
Sa halos 31 taong pagsasama nila ng kanyang kabiyak, hindi siya kailanman nagbuhat ng kamay sa kanyang asawa. Madalas sa tuwing may LQ sila ng misis nito ay una siyang nakikipag-ayos.

May pagkapatriyarkal nga lang si Pulot. Kaya dumami ang kanyang anak ay dahil nais niyang magkaroon ng dagdag na anak na lalake para may magmana ng kanyang apelyido. Yan tuloy umabot sa anim ang anak niya.
Gayunpaman, nagmenor naman siya. Never syang naging diktador sa kung anong dapat tunguhin ng kanyang mga anak. Magmula sa kursong kukunin, relihiyong aaniban at political beliefs na tinutuntungan.
May mga opinyon din siya sa usaping pulitikal sa bansa. Bagamat ibinoto niya si GMA noong 2004 elections ay tutol naman siya sa charter change, corruption at political killings na ginagawa ng administrasyon.
Minsa’y nagkaka-LQ pa din sila ng kanyang true love lalo pa at medyo may katigasan ang kanyang ulo sa usapin ng pangangalaga sa kanyang kalusugan.
Sa ngayon, 63 years old na si Pulot. Pinagkakaabalahan niya ang magbantay sa kanyang 6month old na apo kung saan pwede na syang gumawa ng album ng kanyang top 10 pampatulog songs (in bisaya, hiligaynon at tagalog version).
Minsan na lang din sila kung magkita ng kanyang pangatlong anak na noong bata pa ito’y hindi makatulog pag di si Pulot ang katabi at dapat laging visible sa kanyang paningin dahil pag hindi, kakatakot na palahaw ang maririnig sa buong baryo.
Sa mga pagkakataong umuuwi ang pangatlong anak niya sa bahay, nakakitaan siya ng excitement sa mukha. Madalas niyang sabihin “Ayyyy!! andiyan na si Nene! Andyan na si Tita”. Yun nga lang pag-aalis na muli ang anak, nariyan ang pahabol na pag-hingi ng allowance (pambili ng short)
June 14 bukas, Fathers Day at para kay Pulot, da best siyang tatay para kina Neneng, Toto, Nene, Diding, Gagah, Udgen, da best na asawa sa kanyang kabiyak na si Cely na baka for the first time ay sabihin na nya ang matamis na i love you kay Pulot at da best na lolo sa kanyang apong si Iram.
Happy Fathers Day! Tatay Pulot!
