Malapit na ang June 24 at itinuturing ko itong espesyal na araw sa aking buhay. Hindi ko naman ito birthday o ng isang kakilala na malapit sa akin. Mas lalong walang kinalaman ang Araw ng Maynila at Pista ng San Juan sa araw na ito sa dahilan kung bakit espesyal ang petsang ito sa akin.
Limang taon na rin halos na sa tuwing darating ang partikular na araw na ito ng Hunyo ay agad na kukutkot sa aking isip ang imahe ng isang payat, mahiyain at hikaing tao na aking nakilala may walong taon na ang nakakalipas.
Una ko syang nakadaupang palad sa mahabang daang bakal kung saan sadyang napakaingay ng paligid dahil na rin malamang sa mga samu’t saring eksena ng buhay sa komunidad na iyon at dagdag pa dito ay ang ingay na dala rumaragasang tren.
Ipinakilala sya sa amin ng isang kakilala. Siya raw ang bago naming makakasama sa komunidad para sa kampanya sa pagpapatalsik kay dating pangulong Estrada at makakasama din daw sa pag-oorganisa at pagpapaunawa sa mga kabataan sa mga isyung kinakaharap ng bayan.
Habang ipinapakilala sya sa amin ay biglang may ngiting sumilay sa aking mukha hindi dahil sa, sa unang tingin ay nagkaroon ako ng crush sa kanya. Ang ngiti ay dala pa ng imahinasyong nabubuo sa aking sa sarili, ang imahe ng bagong kakilala na kinakausap ng masa. May impresyon kasi ako na mahiyain siyang tao na kumibo dili sa kanyang kausap kaya sumagi sa aking isip kung paanong adjustment o pag-igpaw ang kanyang gagawin sa ganung katangian para mapagtagumpayang maipaabot sa pamamagitan ng paglubog at pagpapaliwanag sa mga masa ang mga isyung sumasambulat sa bayan.
Pero sa pagdaan ng mga araw ay unti-unting nabura ang ganoong impresyon sa kanya. Lumitaw ang kanyang natural na ugali. Mahiyain pa rin pero hindi sya takot makipag-usap sa mga tao at higit sa lahat ay mahusay magpaliwanag sa mga isyu ng bayan.
Ipinamalas din nya sa amin ang kanyang talento sa pag-drawing at paggi-gitara. Ibinagi din nya sa amin na dati pala syang estudyante sa kolehiyo sa isang state university sa bahaging Sta. Mesa. Gusto sana nyang mag-aral pero dahil sa hindi naman kayang tustusan ng kanyang pamilya ay nagdesisyon syang tumigil na lamang.
At malamang ang pangyayaring iyon ang higit pang nagtulak sa kanya para kumilos at maging kabahagi ng mga laban ng kabataan tungkol sa karapatan nito sa edukasyon.
Naging masikhay sya sa kanyang pagkilos. Hindi balakid sa kanya ang maraming beses na wala syang pamasahe papunta sa ganitong lugar para sa mga serye ng meeting o sa mga rally man o kaya ay kape lang at deep sea cracker ang kanyang ulam (kung minsan kasi ay wala ring mapasulpot na kanin at ulam dahil hirap din ang community).
Natuto rin syang makipag-usap sa ilang mga namumunong tao sa ibat-ibang baranggay. Nariyang makipagpulong sya sa mga kapitan ng mga baranggay para higit na ipaunawa ang mga isyung kinakampanya. Ang mga ganitong eksena sa kanyang buhay ay labis namang ikinagalak at ikinagulat ng kanyang ina. May nagkwento kasi sa kanyang isang kapitan na kameeting daw ng maraming kapitan ang kanyang anak. Ayun! super proud si nanay nya. Mahiyain daw kasi ang anak nya. Hindi masyadong nakikipag-usap at nabanggit din nya na may hika pala ang kanyang solong anak na lalake.
Ayon nga sa mga pamosong wika ng sangkatibakan ay simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka. Isinabuhay niya talaga ito!
Hanggang sa namalayan ko na lamang na hindi ko na sya nasisilayan. Ang kwento sa akin, umalis daw, nasa isang probinsya. Nagpasya na daw ito na kumilos sa kanayunan at nagdeklara ng maging isang Full time na mandirigma.
Hindi ako nagulat sa balitang iyon, bagamat hindi ko rin maiwasang mag-aalala sa isang banda dahil sa kaakibat na panganib na susuungin. Ganunpaman, masaya ako kasi alam kong masaya siya sa kanyang naging desisyon, ang paglingkuran ang masa sa malalayong nayon sa Pilipinas kung saan lipos ng kahirapan dahil na rin sa pang-aapi at pagsasamantala ng iilan.
Wala na kaming naging ugnayan simula noon. Basta ang alam ko masaya siya sa kanyang ginagawa.
Pero gaya ng aking hindi maiiwasang pag-aalala sa mga kaakibat na panganib sa pagkilos nya sa kanayunan, nangyari nga ang nangyari.
June 24, 2003, Isang malungkot na balita ang nakarating sa akin. Wala na sya. Namatay sya sa isang ekwentro sa pagitan ng mga militar.
Hindi ko maipaliwanag ang aking pakiramdam sa oras na iyon. Umiyak ako sa sobrang lungkot at pagkagalit. Nagpupuyos ang aking pakiramdam hanggang sa wala ng mailuha ang aking mga mata pero alam mong naiiyak ka na ang lalamunan ay garalgal na naninikip ang dibdib.
Hindi agad namin nakuha ang kanyang bangkay. Umabot pa ng ilang araw bago ito makuha ng kanyang nanay na labis din ang pagkalungkot sa pagkawala ng anak pero matapang na hinarap ang sitwasyon.
Nang gabi na dumating ang kanyang bangkay ay ayaw ko syang tingnan. Gusto kong manatili sa aking isip ang kanyang buhay na mukha. Pero sa huli ay mas pinili ko rin na masilayan sya. Hindi ako marunong magmura sa panahong iyon pero napamura ako at talagang nanggalit. Hindi lang kasi siya pinatay ng mga pasistang militar, winasak ang kanyang mukha. Hindi na namin sya makilala dahil sa wala na syang panga, maliban sa mahigit isang dosenang bala ang tumama sa kanyang katawan.
Sa isang parangal, ibinahagi ng kanyang ina ang pagdadalamhati. Ginunita nya ang mga masasayang alaala sa pagitan nya at ng kanyang anak. Ang anak na mahiyain at hikain ay isang pulang mandirigma at mahal ng mga masa sa kanayunan na kanyang pinaglingkuran. Higit pa syang bumilib at nagpugay sa kanyang anak dahil sa ipinamalas nitong katapangan. Batay kasi sa kwento ng mga masa, naka-atras na daw ito pero dahil may naiwan pang kasama nito, kaya siya bumalik. Tinadtad man daw ng bala ang kanyang katawan pero sa huling hinga pa rin ng kanyang buhay ay kinalabit pa nya ang gatilyo na gumupo din sa isang kaaway.
Sabi nga ng kanyang ina, nawala man daw ang kanyang nag-iisang anak na lalake, pero hindi nya inakalang maraming mga anak na sa kanya’y iniwan. Ang mga kaibigan, kakilala at ang masang pinaglingkuran at niyakap ng kanyang anak.
Sa June 24, Limang taon nang wala siya sa aming piling. Pero buhay ang kanyang mga alaala at ang kanyang sakripisyo ay mananatiling inspirasyon at magsisilbing apoy para sa higit pang pagningas ng kanyang mga naiwanan.
June 24, isang araw ng pag-alala, pagdadalamhati at pagpupugay sa isang kakilala, kaibigan at kasama – Glen para sa kanyang pamilya, enteng ng komunidad at si Ka Berto ng kanayunan.